Kaya hindi na raw uso ang June bride. Pero usong-uso pa rin ang pagpapakasal sa mga Pinoy. Kahit sa panahon ng taghirap at panganib na dulot ng terorismo at iba pa, nagpapakasal pa rin ang mga Pinoy.
Bakit nga ba?
Hangga’t may pera yatang gagastusin sa simbahan at handaan, magpapakasal at magpapakasal ang Pinoy. Kaya malaking negosyo ang mga kasalan sa Pilipinas.
Pati na ang mga kabataan na umpisa ay pagkahaba-haba ng pagli-live-in, sa simbahan din ang tuloy kapag nakaipon ng pera.
‘Yung mga walang pera naman na gagastusin para sa pinakasimpleng handaan ay hanggang live-in na lang humahantong. Tulad ng naging karpintero ko at karamihan sa tinatawag nating masa. Sila’y nagli-live-in o kasal sa “West Avenue” o huwes ang uso sa kanila.
Kapag peak season, umaabot halos sa pitong kasal araw-araw ang ginagawa sa malalaking simbahan sa Kamaynilaan. Isang taon ang kailangang reserbasyon para magpakasal sa mga simbahang ito.
Sabi nga ni Renee Salud, isa sa nangungunang couturier natin, may 20 hanggang 30 kliyente ang nagpapatahi sa kanya ng wedding gowns kapag peak months.
Dumadalas tuloy ang pagdaraos ng mga wedding exhibits—dalawa hanggang tatlo sa isang buwan. Bukod pa rito, may wedding websites na rin tayo.
Kung may 40,000 na kasalan na nangyayari taun-taon sa Pilipinas, ayon sa pinakahuling ulat, kitang-kita na ang mga tinatawag na “wedding suppliers.”
Sila ang mga gown designers, mga nagdidisenyo at nag-iimprenta ng wedding invitations, flower shops, food caterers, wedding organizers at iba pa.
Bawat seremonya sa isang kasalang Pinoy, kung tutuusin, ay maaaring pagkakitaan ng wedding suppliers. At mapapansin na halos walang ipinagbago ang mga seremonyas na ito.
Tulad ng kaugaliang pamanhikan. Kahit na ang Pangulo ng Pilipinas ay namanhikan sa mga babaeng pakakasalan ng kanyang mga anak.
Bahagi na rin ng tradisyon na ang babae at ang kanyang pamilya ang gumagawa ng halos lahat ng preparasyon sa kasal.
Nang ikasal ang kaisa-isa kong anak na babae, hindi biru-biro ang preparasyon na ginawa namin. Garden wedding kasi ang kasalan.
Pero sulit naman ang mga away at drama naming mag-ina sa ilang linggong paghahanap ng garden. Halos lahat ng mga bisita namin ay nagsabi na napakaromantiko at napakaganda ng Paco Park na pinili naming pagdausan ng kasal at handaan.
Kung alam lang nila ang mga preparasyon na pinagdaanan namin para maging romantiko at komportable ang lugar—nilatagan namin ang buong garden ng mga puti na higanteng tolda para masiguro na kahit umulan ay hindi maaabala ang seremonya.
Pinalagyan din namin ng sapat na ilaw ang buong paligid at nagpagawa pa kami ng plywood na dancefloor. May limang-katao na banda ang kinuha namin para sa magdamag na sayawan.
Elegante ang gayak ng mga hapag kainan. Masarap ang handa ng food caterer, sabi ng mga kamag-anak namin. Maayos din ang naging pagdadala ng seremonya ng kasal ng wedding organizer na kinuha ng anak ko.
Inaasahan ko na maiiyak ako sa kasal pero walang pumatak na luha habang pinapanood ang kasal. Siguro, hindi na ako maiyak dahil kahit manhid na ako sa pagod, pinakamaganda at pinakamaligayang December bride naman ang anak ko.
( Courtesy Sol Juvida-PlanetPhilippines.com )
No comments:
Post a Comment