Powered by Blogger.

Thursday, March 26, 2009

EXPERIENCE SEMANA SANTA

By Mark Rodney Vertido

Ang Semana Santa ang isa na yata sa pinakamahalagang linggo ng Simbahang Katolika. Sinasabi ng ilan na mahalaga ito para magbalik muli sa Diyos. Ang ilan naman mahalaga ito dahil sa panahong nagkakasama-sama ang pamilya nila bukod pa sa Pasko. Ang iba naman long vacation ang tingin sa Semana Santa.

Sa buong Pilipinas iba't-iba ang mga ginagawang pagdiriwang sa Linggong ito lalo na tuwing malapit na ang Biyernes Santo. May nagpapapako sa krus, nagpepenitensya, at iba pa. Ngunit ngayon atin namang i-experience ang Semana Santa sa Laoag, ang pinakadulong lungsod ng Luzon.

Ang sumusunod ay saklaw lamang ang Palm Sunday, Holy Thursday hanggang Easter Sunday.

Palm Sunday. Hindi ordinaryong Linggo ang Palm Sunday para sa mga Laoageñe. Bakit? Dahil tuwing Palm Sunday punung-puno ang mga simbahan. Sa St. William's Cathedral sa Laoag sa dami ng tao marami na ang nakatayo at nagsisiksikan para maka-attend lamang sa Bishop’s Mass. Talagang kakaiba ang Palm Sunday Mass dahil sa Mass lang na ito marami ang tao sa simbahan. Hindi rin naman ito nakapagtataka dahil may walong periods naman ang mga Misa sa Laoag tuwing Linggo kaya maraming pagkakataon ang mga tao tuwing ordinary Sundays.

Holy Thursday. Wala naman masyadong kakaiba sa araw na ito dahil kung ano ang ginagawa ng Simbahan sa pangkalahatan ito rin ang ginagawa sa Laoag. Yung nga lang walang mga nagpepenitensya dito, walang nagpapapako sa krus. Sa araw na ito sinisimulan ang Pabasa ng Pasyon. Wala kang maririnig na live na nag-papabasa. Pero ang kaibahan ng Pasyon na ipinapatugtog dito ito ay talagang mararamdaman mo dahil dramatic ang maririnig, parang umiiyak talaga ang mga bumabasa hanggang sa ikaw rin ay mapa-iyak dahil sa kalungkutan ng tono, di gaya sa paraan ng pagbasa sa Kamaynilaan.

Holy Friday. Ang pinakabanal na araw ng Semana Santa. Oo, masyado ngang banal ang paggunita ng mga Laoageño sa Biyernes Santo. Umaga pa lang wala ka nang maririnig na mga nag-iingay kung meron man mga tricycle lamang. Talagang tahimik dahil paniniwala ng mga Laoageño na hindi dapat mag-ingay sa araw na ito at kung maaari lang lalabas ka lang kung pupunta ka sa simbahan para sa Siete Palabras at sa “Libot” (tawag sa prusisyon ng mga rebulto). Sa Cathedral naman inihahanda ang lahat para sa Siete Palabras. Inihahanda na ang mga speakers, ang mga rebulto ni Birheng Maria, San Juan at kay Kristong nakapako sa Krus, at pati na rin ang mga special effects na gagamitin. Oo kakaiba ang Siete Palabras dito dahil sa pagsapit ng alas tres, sa kamatayan ni Kristo, uumpisahan na ng Parish Priest ang madamdaming pagpapaliwanag sa Seventh word. Biglang makakarinig ka ng pagkulog, ng tunog ng parang lumilindol, isang nakakatakot na tunog. Pagkatapos ay magpapaputok pa sila ng labentador. Ang mga tao naman nakaluhod at wari’y takot na takot na nagdarasal. Mararamdaman mo sa katawan mo ang pagtayo ng mga balahibo mo dahil sa mga maririnig mo at sa katunayan talagang mapapaiyak ka.

Pagkatapos nito isang seremonya na pinangungunahan ng Bishop. Susundan naman ito ng “Libot.” Dito talagang maraming tao, lalo na ang mga batang sabik na sabik makakita ng rebulto. Papadilim na kapag inuumpisahan ito. Marami pa rin ang mga sumasama sa paglalakad mula simbahan pabalik. Pero mas marami ang nanonood lalo na sa mga bahay na madaraanan nito. Sa mga bahay naman nagpapatugtog sila ng Pasyon o kaya’y nakatutok sila sa local Catholic Radio ng Laoag para sa recitation ng Holy Rosary. Tradisyon kasi dito sa Ilocos na kapag may namamatay may banda kaya pati sa rebulto ng Patay na Kristo may banda rin . Isa rin sa tradisyon dito ay ang pag-aagawan ng mga tao sa mga bulaklak na nasa mga karo ng rebulto kaya hindi pa nakakarating sa simbahan ay hubu’t hubad na ang mga karo at dahil dito marami na ang gumagamit ng mga plastic na bulaklak para hindi pag-interesan ang mga ito.

Isa ring paniniwala ng mga tao ay kapag umulan tuwing Biyernes Santo nangangahulugang umiiyak ang Birheng Maria sa langit.

Black Saturday. Balik na sa dati ang lahat. Naghahanda na naman ang Cathedral para sa Easter Vigil. Balik na sa operasyon ang lahat ng mga establishments. Pagdating ng gabi nasa simbahan na ang mga tao para sa Vigil.

Easter Sunday. Ang pinakamahalagang araw dahil sa Resurrection ni Kristo. Pagkatapos ng Misa ng alas kwatro ng umaga, ginaganap naman ang “Salubong” sa tapat mismo ng Cathedral. Dito kumakanta ang mga maliliit na batang nagmimistulang mga anghel ng mga awitin para sa selebrasyon. Pagkatapos nito tinatanggal ang itim na belo mula sa rebulto ng Mahal na Birhen at itinatali sa mga lobo upang paliparin.

Paniniwala na ng mga tao dito na kapag hindi nailipad ng mga lobo ang belo mamalasin ang buong taon, kaya naman tuwang-tuwa sila at nagpapalakpakan pa kapag mataas ang lipad ng mga lobo. Pagkatapos naman nito ay isang Bishop’s Mass.

Simple lamang ang mga paggunita na ginagawa ng mga Laoageños sa Semana Santa ngunit ang mga ito ay puno ng mga paniniwala nga mga tao. Simple ngunit makabuluhan.
Ang mahalaga pagkatapos ng Semana Santa dapat magkaroon ng pagbabago sa ating sarili.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP