Powered by Blogger.

Monday, July 12, 2010

Bakit dapat tutulan ang Reproductive Health Bill?

Ang mga sumusunod ay hango sa isang artikulo mula sa ALFI (Alliance for the Family Foundation, Philippines, Inc) ukol sa mga kadahilanan kung bakit dapat nating tutulan ang Reproductive Health Bill 5043 (HB 5043).

  1. Ang reproductive health bill ay batay sa maling impormasyon ukol sa populasyon. Iniisip lamang nito ang pagpigil sa paglobo ng populasyon, ngunit hindi nito isinasaalang-alang ang epekto nito sa tumatandang populasyon gaya ng nararanasan ng ibang progresibong bansa.
  2. Lubos ang atensyon at pagtatalaga ng pondo nito sa paggamit ng contraceptive nang hindi iniisip ang iba pang mahalagang health care na mas nangangailangan ng tulong gaya ng mahihirap na maysakit. Sinasabing ilan sa mga dahilan ng pagkamatay ng marami ay dahilan sa kakulangan ng pangangalagang medical at gamot para sa Pneumonia, Bronchitis, Diarrhea, Influenze at Hypertension. Hindi makatarungang uunahin pa natin ang contraceptives kaysa magligtas ng buhay.
  3. Papalaganapin lamang ng bill na ito ang abortion. Sinasabing ang mga contraceptives ay gumagana bilang abortifacients, na katumbas din ng pampalaglag ng bata. Di nito pinipigilan ang fertilization, bagkus, inilaglag lamang nito ang fertilized egg palabas ng ina. Ito ay klarong isa na ring abortion dahil pinapatay nito ang isang papausbong na buhay mula sa sinapupunan ng ina.
  4. Walang katotohanan na ang malawakang paggamit ng contraceptives ay makakapagpababa ng kaso ng abortion at pagkalat ng HIV/STD. Lalo lamang lumalala ang kaso ng maagang pagbubuntis, sakit at abortion sa ibang bansa dahil sa maling paniniwalang ito.
  5. Ang bill na ito ay maaaring makapagdulot ng kahihiyan at diskriminasyon laban sa malalaking pamilya. Ang desisyon kung gaano kalaki ang pamilya ay dapat na responsibilidad ng magulang ayon sa kanilang kakayahan at di dapat dinidiktahan ng pamahalaan.
  6. Gagawing mandatory nito ang pagtuturo ng sex education at reproductive health sa mga mag-aaral mula Grade 5 hanggang 4th year High School. Isasama nito ang pagturo kung paano ang pag-iwas sa maagang pagbubuntis sa pamamagitan ng natural at makabagong pamamaraan. Ito ay nakababahala sapagkat maaaring maging iba ang pakahulugan ng kabataan sa ganitong usapin at maari pang makasama kesa mabuti.
  7. Ang sinumang di sasang-ayon o magpapatupad sa bill na ito ay maaring kasuhan o magmulta, o maaring patawan ng mas malaking buwis. Di nito iginagalang ang pang-sariling desisyon na tumutol dahil sa pagapapahalaga sa utos ng relihiyon o pananampalataya.
  8. Pinapalabas ng bill na ito na ang mga hormonal contraceptives, intrauterine devices, injectables at iba bilang "essential medicines" o pangkaraniwan kahalintulad ng paracetamol o alin mang over the counter medicines, kahit na may malinaw na banta ito sa buhay ng kababaihan. Ayon sa WHO, sinasabing ang hormonal contraceptives ay maaaring magdulot ng Cancer.
  9. Sapilitang iniuutos nito sa mga ospital o anumang health care providers, kabilang ang mga duktor at nurses na i-rekomenda ang paggamit ng contraceptives. Muli, ang sinumang di sumang-ayon ay maaring pagmultahin o ikulong. Isa na namang labag sa karapatang mamili ayon sa dikta ng konsensya.
  10. Sinasabi rin ng bill na ito na ang sinuman ay maaaring mag-avail ng vasectomy o ligation kahit walang pahintulot ng asawa. Ito ay maaring magdulot ng di pagkakaunawaan sa mag-asawa. Gayun din ang isang menor de edad na biktima ng pang-aabuso ay maaaring mag-avail ng kahit anong reproductive health care services nang walang paalam sa magulang.
  11. Ang kahirapan at gutom sa bansa ay di dahil sa paglobo ng populasyon kundi dahil sa mahinang ekonomiya, kawalan ng hanapbuhay at paulit-ulit na korupsyon. Walang pag-aaral ang tiyak na nag-uugnay ng kahirapan sa laki ng populasyon.
  12. Ang bill na ito ay taliwas sa unang mandato ng Konstitusyon ukol sa pagpapahalaga ng Pamahalaan sa pamilya bilang isang bukod na institusyon, at nagpapahalaga rin sa buhay ng ina at bunga ng kanyang pagdadalantao.


Ano ang iyong maaaring magawa upang mapigilan ang bill na ito?
  • Huwag magpalinlang, Pag-aralang mabuti ang RH bill na ito at basahin ito sa kabuuan. Sundan ang link na ito. Ibahagi mo rin ito sa iba upang sila man ay maliwanagan din.
  • Makilahok, lagdaan ang petisyon laban sa bill na ito.
  • Magdasal nang magdasal hanggang sa tuluyan nang maibasura ang bill na ito.
Gabayan Nawa tayo ng Panginoon.











No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP