Mayo noon, Buwan ni Maria.
Naisipan ko at ng isang matalik na kaibigan na umakyat sa kanyang Dambana sa Antipolo. Nakakatuwa ang laki ng simbahan. Para akong batang sabik na libutin ang isang malayang kalawakan. Noong nagkaroon ako ng pagkakataon na umakyat sa choir loft, napukaw ako sa makulay na 'stained glass' ng Birhen ng Antipolo. Malapitan ko itong pinagmasdan. Nakakamangha ang ganda at gara ng napakalaking "stained glass" ng Simbahan. Natutuwa kasi ako kapag nakakakita ako ng mga "stained glass" sa loob ng simbahan. Bukod sa matitingkad nitong kulay at mga kuwentong kanilang isinasalaysay - nakakatuwang isipin kung papaanong binubuo itong likhang sining ng ating pananampalataya.
Mula sa maliliit na binasag na mga salamin, minantsahan ng kulay at pinagsama-sama nakakabuo tayo ng isang matingkad na larawang nagpapaalala sa atin ng kagandahan at kaluwalhatian ng Diyos. Ganun din tayo. Sino bang mag-aakalang sa kabila ng pagiging basag at sa mantsa ng kulay ng ating karanasan, nagagawa ng Diyos na ganapin ang kanyang plano sa ating mga buhay?
Ngunit papaano higit na mamamalas ang tingkad ng kulay at ganda ng stained glass? Kapag nasisikatan ito ng araw. Sa kusang loob nating pagpapaubayang dumaloy sa ating mga basag at mantsa ang biyaya ng Diyos na kumikilos sa ating buhay, doon higit na napagmamasdan ang kabutihan at kagandahang taglay ng bawat isa.
(This article is an excerpt from the collections of Carlos Alexis Malaluan entitled "Dwells God:Mga Katha, Kwento at Panalangin ng Makabagong Lagalag")