Bayan Ko,
Ano’ng nagawa Ko’t
Ginaganito n’yo ako?
Ano’ng naging sala Ko?
Sagutin n’yo ako!
Likas-yamang bigay Ko
Di n’yo ginamit nang wasto.
Sa mga likha Ko kayo’y pabaya.
Malalaking baha
Tiyak sa inyo’y pupuksa!
Bayan Ko,
Ano’ng nagawa Ko’t
Ginaganito n’yo ako?
Ano’ng naging sala Ko?
Sagutin n’yo ako!
Mariwasang pamumuhay
Ang ilan sa inyo’y nagpapasasa.
Di alintana ang mga dukha.
Yamang ipinagkatiwala,
Di n’yo madadala sa kabila!
Bayan Ko,
Ano’ng nagawa Ko’t
Ginaganito n’yo ako?
Ano’ng naging sala Ko?
Sagutin n’yo ako!
Puno ang isip n’yo ng kaalaman
Pero ang konsensya’y nasaan?
Magkapera’y mahalaga kahit saan ito makita.
Tusong mga nilalang,
Sa totoo’y mga mangmang!
Bayan Ko,
Ano’ng nagawa Ko’t
Ginaganito n’yo ako?
Ano’ng naging sala Ko?
Sagutin n’yo ako!
Buhay Ko’y ihinga Ko sa inyo.
Ngunit bakit wala nang silbi sa inyo
Mga ipinaglihing ‘wala sa plano’
O kaya’y mga matatandang ‘perwisyo’?
Sa krus Ako’y muli n’yong ipinako!
Bayan Ko,
Ano’ng nagawa Ko’t
Ginaganito n’yo ako?
Ano’ng naging sala Ko?
Sagutin n’yo ako!
Hari Akong nagsisilbi.
Pero mga pinuno n’yo’y
Kung umasta’y mga amo!
Naghihintay sa mga nagmamataas,
Isang matinding pagbagsak!
Bayan Ko,
Ano’ng nagawa Ko’t
Ginaganito n’yo ako?
Ano’ng naging sala Ko?
Sagutin n’yo ako!
Ako ang Katotohanan,
Ngunit kayong mga ‘tagasunod’ Ko’y
Mga sinungaling at nasa dilim!
Takot kayo sa ‘king liwanag
Dahil kasamaan n’yo’y mabubunyag!
Bayan Ko,
Ano’ng nagawa Ko’t
Ginaganito n’yo ako?
Ano’ng naging sala Ko?
Sagutin n’yo ako!
Sarili Kong buhay sa inyo’y inialay
Subalit kayo’y naging makasarili
Sa kapwa’t bayan walang pakialam.
Buhay ay may saysay lamang
Kung ito sa iba’y ilalaan.
Bayan Ko,
Ano’ng nagawa Ko’t
Ginaganito n’yo ako?
Ano’ng naging sala Ko?
Sagutin n’yo ako!