Powered by Blogger.
Showing posts with label Santino. Show all posts
Showing posts with label Santino. Show all posts

Saturday, February 13, 2010

Ang 'Magic' ni Santino

Si Santino. Si Bro. Si Mario. Si Mayor Enrique. Si Father Jose at Father Anthony. Ilan lamang sila sa mga tauhan ng 'May Bukas Pa' na bukambibig sa anumang umpukan pag nagkukuwentuhan. Ngunit pagkatapos ng isang taong pamamayagpag ng teleseryeng sinubaybayan ng lahat, ito ay nagtapos na nung nakaraang Biyernes. Ngunit ano nga ba ang 'magic' ng teleseryeng ito at minahal ito ng lahat?


1. Ang mga kuwento ay may pagkakahalintulad sa mga nagagaganap sa kapaligiran sa kasalukuyan.


Isinarawan nito ang pangkaraniwang tauhan na nakikita sa ating komunidad: ang tatlong tsismosang laging may dalang kuwento, si Baby at Ato na negosyante at oportunista, si Mario na tapat sa tungkulin at may prinsipyo, si Mayor Enrique na gahaman sa kapangyarihan at ang mga Fathers na takbuhan ng lahat sa oras ng kagipitan.
Tinalakay din nito ang madilim na mukha ng pulitika gaya ng pangungurakot ni Mayor Enrique sa kaban ng bayan, ang kotongan at ilegal na pasugalan pati na ang taumbayang madaling malinlang at magatungan ng galit.


2. Ang tema ay angkop sa panlasa ninuman mapa-bata, matanda, babae o lalaki.


Makaka-relate ang lahat sa 'May Bukas Pa'. May aksyon na patok sa mga kalalakihan, dulot ni Mario bilang isang pulis na tumutugis ng masasamang loob. May love story ni Cocoy at Stella, na swak sa kilig ng mga kabataan. At syempre pa, sino ba ang hindi nagmahal sa bida na si Santino na bukod sa super cute ay di rin nauubusan ng ligalig ang kanyang buhay dahil sa kanyang angking kakayahang manggamot.
Di gaya ng ibang teleserye na umiikot sa love triangle, nagkahiwalay na anak at ina at agawan ng asawa, pasok ito sa mapanuring panlasa ng mga magulang pati na ng Simbahan. Di yata't nagiging paksa pa ito ng ilang pari sa kanilang homilya patunay lamang na sila man ay nahumaling sa panunuod nito.


3. Naging mas 'in' si 'Bro'


Bagamat ang ating bansa ay ang may pinakamalaking populasyon ng Kristiyano sa Asya, di tayo ganun ka-vocal o hayagan sa pagtawag sa Kanya. Marami pa rin sa atin ang tumitingala sa Diyos bilang isang malayong Panginoon at hindi bilang isang 'Kaibigan' na nakakasama natin sa araw-araw. Binago ito ni Santino, ginawa niyang 'cool' ang pagiging malapit kay Kristo, bilang pagtawag sa Kanya bilang 'Bro'. Dahil dito, narinig natin ang mga pangkaraniwang tao na hayagan na pagkilala sa Kanya bilang isa sa atin, at nakakasama sa araw-araw na buhay. At hindi maikakailang tumatak ito kanino man.


4. Ipinakita nito ang dalawang mukha ng isang tauhan.


Pinakita nito ang dalawang mukha ng mga tauhan sa iba't-ibang pagkakataon. Si Mayor Enrique na nilalamon ng paghihiganti ay kaya rin palang palambutin ni Santino. Ang akala mong kasamaan niya na sagad sa buto, ay may pinagmulan at dala lamang pala ng kalupitan na kanyang naranasan. Si Mario naman na naging matatag sa kanyang paninindigan mula simula ay sinubukan sa huling pagkakataon at nabigo, nang ang anak niyang si Joy ay nasadlak sa panganib. Ipinakilala sa serye ang pinanggagalingan ng ugali ng iba't-ibang tauhan, na di lahat ng tao ay likas na masama kundi ito'y bunga lamang ng masamang karanasan o kakulangan sa pang-unawa.


5. Kinapulutan ng magagandang aral.


Kinapulutan ito ng iba't ibang aral dala ng pagkakataon at dahil sa iba't ibang tauhang ipinapakilala linggu-linggo. Ipinaalala nito ang ilan sa mga aral na maaaring alam na natin ngunit nakakaligtaan.
  • Anumang lihim ay matutuklasan sa takdang panahon. Di ba't napakaraming lihim ang pilit itinatago ngunit natuklasan din sa huli? Si Stella ay di pala tunay na anak ni Enrique. Si Santino pala ay anak ni Enrique at marami pang iba.
  • Ang lahat ng nagkasala ay may pagkakataong magbagong-buhay. Bago pa man bawian ng buhay si Malena at Enrique, nagawa nilang maituwid ang lahat at humingi ng kapatawaran.
  • Walang panalanging di matutupad sa taong may matatag na pananampalataya. Lahat ng taimtim na nanalangin ay nakasumpong ng kasagutan.
  • Anumang 'blessing' na matanggap, huwag kalimutang magpasalamat. Napansin mo ba? Si Santino ay laging nagsasabi ng 'Thanks Bro' sa tuwing may panalanging nadinig ni Bro.
  • Ang lahat ng nangyayari ay may kadahilanan. Gustuhin man ni Santino, di niya napigil ang kapalaran ni Malena at Enrique nang sila ay bawian ng buhay. Di man lubusang nauunawaan, pilit itong tinanggap ni Santino.
  • Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Sa tuwing nagiging gahaman ang taumbayan ng Bagong Pag-asa, dun lalong mas nagkakagulo. Ngunit sa oras na sila'y magkaisa at tumulong, nagkakaraoon ng kaayusan ang lahat.
  • Anumang pagsubok sa buhay, alalahaning may bukas pa. At siyempre pa, sa dami ng pagsubok na pinagdaanan ng Bagong Pag-asa, lahat ng ito ay nalampasan at napagtagumpayan.
Marahil matatagalan pa bago magkaroon muli ng isang teleseryeng pupukaw sa ating puso tulad ng 'May Bukas Pa'. Gayunpaman, manatili sana sa atin ang mga aral na natutunan natin mula sa batang si Santino.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP