Wakas
ni Grace B. Madrinan
Kailan masasabing tapos na ang lahat?
Natatapos ba ito sa huling bigkas ng 'paalam'…
o sa paghulagpos ng kamay mula sa mahigpit na pagkakakapit?
Sa pagpinid ba ng mata, o sa huling patak ng luha?
Sa pagsasara ba ng puso o huling tibok nito?
Ni dalubhasa man, walang makapagsasabi
di matiyak ang kasagutan
na ang wakas, ay wakas nang tunay
at ang kahapon ay wala nang ngayon
o ang ngayon ay wala nang bukas
Ano ngayon, ang sanhi ng kalungkutan?
Bakit guguho ang mundo sa salitang “paalam”
Kung ang wakas ay di tunay na wakas
Kung hindi panibagong simula
Patungo sa umaagang inaasam…
Kung ang Diyos ang gumuhit ng tadhana
At nasa Kanya ang ating kapalaran,
Mayroon bang dapat ipangamba?
Mas nararapat magtiwala na walang paalam
Sa pusong nananalig at umaasa.