Kahit mula pa nang itatag ito ni James Burn noong 1925 sa isang giba-giba at lumang gusali sa Legarda Street. Bininyagan itong Legarda High School, na ang mga unang enrolees ay pawang mga tinanggihan ng ibang paaralan ng mga panahon iyon.
Nang sumunod na taon, 1926, ang eskuwelahan ay inilipat sa Gusaling Syquia, sa may paanan ng Tulay ng Pritil at pinangalanang Manila West High School at dito na nagsimulang magpakitang-gilas.
Taong 1928 nang kanilang ipakilala sa publiko ang mga kauna-unahang graduates ng paaralan. Sa taon din ito umusbong ang iba't ibang samahan at kilusan ng mga mag-aaral.
Nang pumasok ang taong 1930, nagkaroon ng malakihang pagbabago sa apat na tanging mataas na paaralan ng Maynila. Pinangalanan ang mga ito batay sa unang apat na Pilipinong mahistrado ng Korte Suprema. Kaya ang Manila West High School ay inilaan para sa karangalan ni Hukom Florentino Torres.
Kasunod nito ay hinirang din ang kauna-unahang Pilipinong Punong-Guro sa katauhan ni Ginoong Marcelino Bautista.
Samantala, ang kasalukuyang gusali ng paaralan, na dating barracks ng Philippine Constabulary, ay napasakamay nito noong 1937 sa ilalim ng panunungkulan ni Punong-Guro Ricardo Castro.
1941, sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pangdaigdig. Ang papaunlad sanang paaralan ay isinara ng mga Hapon at ginawang garison. Lahat ng mahahalagang dokumento ng paaralan ay nasira.
Matapos ang giyera, ang paaralan ay muling nagbukas noong Hulyo 16, 1945 at namigay ng mga post-liberation diplomas noong Nobyembre ng taon din nabanggit.
Sa kauna-unahang pagkakataon, ginunita ng Torres High ang araw ng kanyang pagkakatatag noong Oktubre 16, 1953 sa pagsisikap ni Ginoong Cesario Bandong.
Magmula noon, hindi na nagpaawat ang pamumulaklak ng paaralan at umani ito ng matataas na papuri mula sa iba't ibang sangay ng lipunan.
"Siguro walang uuna sa Torres High,unang-una na dahil sa mga nagtapos dito na nakilala sa iba't-ibang larangan. Nandyan po si Dolphy na kinikilalang "comedy king," at ang magaling na alagad ng siyensya na si Direktor Raymundo Punongbayan. Sa ngayon po siguro ay dahil sa ang paaralang Torres ay kumikilala sa kagalingan ng mga mag-aaral through their school programs na naka-focus sa sining at ang implikasyon nito sa pag-aaral. Mdyo "artistically inclined" kasi si Sir (principal). Astig!!!," kuwento ni Lou, isa pa ring Torresian, sa isip, sa salita at sa gawa.
Minsan pa, mga Torresians sa buong mundo, awitin natin ang
WALANG UUNA SA TORRES HIGH
HUMUBOG AT MAGTURO
NA MABUHAY NANG MARANGAL
SA DAIGDIG AY HABANG NABUBUHAY
O TORRES NAMING, MAHAL
TANGING DIWA AT TANGLAW
LANDAS NAMIN IYONG IILAWAN
O PATNUBAY
MABUHAY, O MABUHAY KA,
O TORRES HIGH SCHOOL!
(Walang Katapat!)
No comments:
Post a Comment