Powered by Blogger.

Thursday, November 24, 2005

Concert ng mga Ka-Kosa!

Nadapa. Bumangon. Kumanta. Ito ang simpleng kuwento na nasa likod ng BINHI NG PAG-ASA, isang grupo ng mga dating bilanggo na nagbalik sa ating piling at tinutulungan ng Caritas Manila magbagong-buhay upang magsilbing halimbawa ng habag ng Panginoon.

Sa luma nilang buhay, sila ay balot ng kasalanan at alipin ng mundo hanggang isang umaga ay natagpuan na lamang nila ang kanilang mga sarili sa loob ng selda - isang kapirasong daigdig na pawang rehas, pader at kandado. Ngunit sa lugar palang ito ng mga buhay na patay sisibol sa kanila ang totoong mundo, kabaligtaran ng inaakala nilang totoong buhay. Salamat sa rehas, sa pader at sa mga kandado at nagkaroon sila ng pagkakataong makilala ang kanilang mga sarili at ang Panginoon.

Tapos na ang panahon na sila ay nagkakalat at sintunado ang buhay. Natutunan na nila ang tamang awit ng buhay. Kaya nang sila ay lumaya mula sa piitan ninais din nilang iparinig ito sa mundo at kung paano sila binago.

Ang pagkakataon ng Gagalangin upang marinig ang awit na ito ay ngayon na sapagkat ang BINHI NG PAG-ASA ay makikisaya sa pagdiriwang ng sentenaryo ng ating Parokya sa pamamagitan ng kanilang konsiyerto sa Nobyembre 26, 2005, sa ganap na ika-walo ng gabi, sa loob ng ating simbahan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP