Kung ako si Jeremias, talagang papalakpak ang mga tenga ko! Iba ang pakiramdam kung sasabihan ka ng ganitong mga salita! Naniniwala akong sinasabi rin ito ng Diyos sa ating lahat – propeta man o hindi. Isang taong totoong nakinig sa Kanya si Maria, ang Ina ng Diyos.
Hindi biro ang maging ina ng isang Diyos na magliligtas sa makasalanang mundo. Alam nating nakatalaga nang ipakasal si Maria sa kanyang nobyong si Jose bago niya ipinaglihi si Jesus, subalit taglay ang isang matibay na paniniwala sa Maykapal, tinanggap niya ang tungkuling maging ina. Natagpuan niya kay Jose ang isang karamay. Kapwa nila pinalaki at inaruga ang Diyos Anak hanggang sa tubusin Niya ang daigdig mula sa pagkagapos nito sa kasalanan.
Sa altar mayor ng Katedral sa Intramuros, makikita natin ang isang napakagandang imahen ng Mahal na Birheng ipinaglihing walang sala: isang babaeng nakadamit puti at asul (simbulo ng kalinisan at kapayapaan), nakaapak sa ahas at buwan (tanda ng kanyang tagumpay kay Satanas at sa paglipas ng panahon), at napuputungan ng labindalawang bituin (sagisag ng labindalawang tribu ng Israel at labindalawang alagad ni Jesus). Nagpapatotoo ang imaheng ito na buong buhay na itinatak ni Maria sa kanyang puso at isipan ang paghirang sa kanya ng Diyos sa isang mahalagang misyon.
Subalit mayroong mga taong iba ang tugon sa Diyos. Kung hindi iba ang takbo kanilang buhay, nabubuhay silang walang kabuhay-buhay. Ilang beses marahil nating narinig kay Pope John Paul II at sa iba pang pari, madre, o ordinaryong Katoliko ang “culture of death”. Sinasabing pumapanig sa ganitong takbo ng pag-iisip ang panahon ngayon. Nandyan ang aborsyon, mercy killing, capital punishment, atbp. Kailangan ba talaga natin ang ganitong mga uri ng pagkitil sa buhay?
Idagdag pa natin sa listahan ang pagdudurog, paglalasing, pambababae, panlalalaki, paglilive-in, at iba pang kahalayan. Ilista din ang katamaran, pagkamakasarili, inggit, paggawa ng chismis, paninirang-puri, paggawa ng iskandalo, pang-aapi sa kapwa, at kawalan ng katarungan. Walang kahahantungan ang lahat ng ito kundi kapahamakan sa ating buhay at sa lipunan.
Suriin natin ang ating sarili: Ano na ang naging tugon ko sa paalala ng Diyos? Naging mabuti ba akong Kristiyano? Dumulog tayo sa Mahal na Ina ngayong pista niya. Tularan natin ang kanyang halimbawa at ialay ang ating buhay sa kadakilaan ng Ama.
No comments:
Post a Comment