Powered by Blogger.

Friday, January 13, 2006

Santo Nino Na Kumakanta

Isa sa pangunahing atraksiyon tuwing Pista ng Tundo ay ang prusisyon ng iba’t ibang imahen ng Santo Nino na idinadaos pagkaraan ng bukang-liwayway sa mismong araw ng kapistahan.

Ang mundo ay pansamantalang tumitigil sa pag-inog sa bahaging ito ng Maynila sa oras na magsimula ang prusisyon. Libu-libong tao ang nakaabang sa mga lansangan at naghihintay na masilayan ang daan-daang imahen ng Batang Jesus na dala-dala ng mga deboto na karamihan ay nagmula pa sa malalayong lugar. May Nino na kulay berde ang kasuotan, na may dala-dalang supot na puno ng barya. Mayroon din Nino na nakasuot basketball player at taglay ang numero 7.

May Nino na magbubukid. Mayroon din na naka-sandong puti at salawal na pula. Hindi rin mawawala ang Nino na nakasakay sa kabayo at hitsurang cowboy. Subalit ang isa sa paborito ng madla ay ang Santo Nino na nakaayos bumbero. Sapagkat bukod sa ito ay may maingay na sirena, ito rin ay may kakayahang magbuga ng tubig, na ipinapalagay ng marami na benditado.

Ang Nino na nakabihis pulis ay umaani naman ng magkahalong opinyon ng publiko. May nagsasabi na hindi raw nararapat damitan ng uniporme ng PNP ang Santo Nino sapagkat ang ating kapulisan ay may bahid ng korupsiyon. Na kinotra naman ang ilan sa paniniwalang mas nakararami pa rin sa ating mga alagad ng batas ang katulad ng Nino Jesus na inosente sa katiwalian.

Sa okasyong ito ay masasabing lumulutang ang pagkamalikhain ng Pinoy at ang ating pagkagiliw sa mga bata.

Samantala, lingid sa ating kaalaman, tanging sa Gagalangin lamang matatagpuan ang pinakakakaibang uri ng Santo Nino. Ang Santo Nino na kumakanta at minsan pa ay umiindak.

Ang ating Santo Nino Choir.

(Mk Flores)

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP