Powered by Blogger.

Thursday, July 06, 2006

Buhay-Seaman

By George Gallego

(Ang Sea Sunday ngayong ika-9 ng Hulyo, ay itinaguyod para alalahanin ang mga kapatid nating nagtatrabaho sa karagatan. Nagpapasalamat kami kay George sa pagbabahagi ng kanyang karanasan bilang seaman.)

Ang inyong lingkod ay isang Tersero Makinista at may sampung taon na karanasan sa paglalayag.

Karamihan sa atin mabanggit lamang na seaman inaakala kaagad na napakasaya at napakagaan ng buhay. Madalas kasing napag-uusapan na maraming pera, nakakapunta sa iba't ibang panig ng mundo, may malaking bahay, at ang matindi nito marami daw tsiks. Gaano ba ito katotoo?

Maraming seaman at maging maybahay man nila ay makikisang-ayon sa maiklingsanaysay na ito. Hindi naman lahat ay pinalad na makatanggap ng may kalakihang sahod dahil kumporme ito kung ang seaman ay sumasakay sa barkong internasyonal o pang-domestic lamang at depende rin ito sa kung ano ang posisyon sa barko - opisyal o ultimo. Wow, kaysarap pakinggan na nakakapunta kami sa iba't ibang bansa subalit hindi lahat ng pagkakataon ay nakakalabas kami para makapasyal o magliwaliw lalo na sa klase ng barkong aming sinasakyan - ito ay isang container vessel.

Sa mga puwertong aming dinadaungan ay napakabilis ng cargo operation kung kaya kaagad din kaming umaalis; dalawa hanggang labingdalawang oras lamang ang aming tinitigil sa puwerto. Kung mag-overnight man, paniguradong may malaki kaming trabaho sa makina. Hindi lahat ng seaman ay nambabae. Noong dekada '70 hanggang '90 ay may umaakyat na mga babae sa barko ngunit sa kasalukuyan ay hindi na ito pinahihintulutan. Pinapairal na kasi ang "I.S.P.S.", ito ay regulasyong pangseguridad sa kalakalang pandagat. Kung nais ng seaman na mag-good time ay sasadyain pa niyang pumunta sa bahay-aliwan subalit hindi lahat ng seaman ay gumagawa ng ganoon dahil depende ito sa kanyang personalidad, tawag ng pananampalataya, dedikasyon sa minamahal, at iba pang pansariling kadahilanan.

May isa pang problemang kinakaharap at pangkaraniwan sa mga seaman magpahanggang ngayon. Ito ay yung hindi pagkakaintindihan ng magulang sa anak na seaman, biyenan kontra sa manugang, o ang umiiral na inggitan ng mga kamag-anakan. Ang puno’t dulo ng mga sigalot ay tungkol sa pera.

Masarap ang buhay at malaki ang sahod? Bawat sentimo na aming kinikita ay aming pinagpapagalan nang lubos, kayod-marino wika nga nila. Napakainit sa makina at lalo pang tumitindi kapag nasa tropikal kami; ang temperatura ay nasa 36 – 43 sentigrado o higit pa. Mabigat na ang trabaho ay lalo pang bumibigat kung may kasamahan o opisyal na mahirap pakisamahan, ito ay pangkaraniwang nangyayari. Dalawa hanggang tatlong linggo ang aming pinakamahabang biyahe at habang nasa nabigasyon ang aming dibersiyon ay ang panonood ng pelikula sa DVD o VHS, kantahan sa videoke o konsiyerto sa banda, at paglalaro ng ping-pong at dart tournament. Gayon na lamang ang aming kagalakan sa tuwing may pagkakataon kaming makayapak sa lupa dahil ang unang prayoridad ng mga seaman ay ang makatawag sa kanilang pamilya. Napakasaya namin sa tuwing makakausap ang aming asawa at mga anak; napapawi lahat ng hirap at kalungkutan.

Wala kaming pagkakataon na makasimba dahil kadalasan pangkaraniwang araw kung kami ay dumadaong sa pantalan at nasa alanganin pang oras. May pagkakataon na nakakaakyat sa barko ang isang misyonero o chaplain subalit hindi lahat ng crew ay nahaharap niya dahil may trabaho. Pagdarasal sa tuwina at pagbabasa ng Bibliya ang siyang pakikipag-ugnayan ko sa Diyos. Ang Salita ng Diyos ang siyang bumubuhay at nagbibigay-lakas sa katulad kong nangungulila. Sa aking pagninilaynilay napagtanto ko na sinasamahan Niya ako sa aking paglalayag sa anumang karagatan sa mundo, tangan Niya ang aking kamay sa aking paglalakbay sa karagatan ng buhay.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP