Ang halalan ay isang paraan ng pagpili ng mga pinuno, na kasama ng bayan, ay magsisikap itaguyod ang kabutihan ng lahat. Kaya nga patuloy ang Simbahan sa paghimok at pag-alalay “sa mga mamamayan sa paggawa ng mga pagpapasyang pulitikal na magbibigay ng katiyakan sa mga pinamumunuan ng pagkakataong makapaghalal at papanagutin ang mga namumuno sa kanila, gayundin ang palitan sila, kung kinakailangan, mapayapang paraan” (centesimus Annus, 46).
Ang pagpili at gawing managot ang mga pinuno sa kanilang mga pinamumunuan ay napakahalagang pagpapasya na dapat sumunod sa pamantayang moral.
Pinapa-alalahanan din tayo na labag sa kabanalan ng halalan ang pagbili ng boto o ang pagpalit nito sa anumang pangako o pabuya. Ang anumang pamimilit ay labag din dito. Ang dapat nating hanapin ay ang pinaka-magaling na pinuno.
Ang pinaka-magaling na pinuno ay ang taong may pag-ibig sa Diyos at at may takot sa Kanya.
Isang tao na ginagabayan ng konsensyang nahubog na mabuti at lagging nakahilig sa pagpili sa kabutihan.
Isang tao na namumuhay at naglilingkod ayon sa mga panuntunan ng moralidad.
Isang taong matapat, hindi marahas at mahabagin.
Isang taong gumagalang at nangangalaga sa mga nauubos na biyaya ng kalikasan at humihimok sa iba na gayun din ang gawin.
Isang taong handang magsakripisyo ng pansarili, pang-partido o pangsamahang interes para sa pagsulong ng pagkakaisa, kapayapaan at kabuuang pag-unlad ng bansa at ng mga mamamayan.
Dumaan na tayo sa marming paghihirap na idinulot ng ambisyong pampulitika, mga panlilinlang at mga grupong nagpasimula ng mga kaguluhan at panaganib na nagdulot lamang ng lalong karukhaan sa mga naghihikahos sa ating bansa.
Manalangin tayo para sa liwanag upang sa ating pananalangin ibulong sa atin ng Diyos na ang lubhang kailangan ng ating bansa ngayon ay matuwid, mababang-loob at mapagkakatiwalaang mga pinuno na may kakayahang gumabay at tulungan ang bansa tungo sa kanyang pananaw.
Nagpapasalamat tayo at patuloy pang hinihimok ang mga guro, ang mga tauhan ng hukbong sandahan, ang mga kabataan at mga mamamayang nagkukusang tumulong sa COMELEC upang siguruhing maayos at mapayapa ang pagboto, mabilang ito ng tama sa mga presinto, makatotohanang madala ito sa mga munisipyo at siyudad, at maihatid ng maayos at walang bahid pandaraya sa mga panlalawigan at pambansang tanggapan ng COMELEC.
Patnubayan nawa tao ng Mahal na Birheng ating Ina sa pagpili sa mga pinunong katiwa-tiwala at dalhin niya nawa tayo sa kanyang Anak na si Hesus, ang natatanging Daan, Katotohanan at Buhay.
Pagpalain kayong lagi ng Diyos!
+GAUDENCIO CARDINAL ROSALES
Arsobispo ng Maynila
Friday, May 04, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment