by Grace Madrinan
Hinanap kita sa gitna ng masa…
sa mga taong nakataas ang kamay
matigas at saradong kamao
Na ang tanging sinisigaw 'pagbabago!'
Pinilit kong imulat ang aking mga mata
at hanapin Ka sa kanila
Ngunit poot lamang ang aking nakita
Mga gutom na sikmura na tinulak ng pangangailangan…
Hinanap kita sa entablado
sa mga taong inaasahan kong magpapahayag ng Iyong salita
Ngunit ako'y nagbigo
Nang marinig ko ang pangungutya, panghuhusga
Ito ba ang larawan ng pagpapakumbaba at pagpapatawad?
Sila na aking tinitingala sa lipunan ang syang unang nadapa
sa kanilang mga salita…
Hinanap kita sa pamahalaan,
Sa mga taong mas nakakaalam, nakakakilala sa lipunan
Ngunit ang malinis na hangarin ng iilan
Ay napangunahan ng pagmamataas at pagsasarili
Wala nang pagtutulungan, kanya-kanya na lamang
Kapit sa kapangyarihan, palakasan ng impluwensya
At pabagsakin ang napagkaisahan…
At nahanap Kita sa lansangan…
Sa mga batang masayang naglalaro
Sa mga matandang nangangalkal ng basura
Sa mga taong nagbabanat ng buto
Nagsisikap at umaasang sa araw-araw ay maambunan
ng kaunting biyaya
Na sa bawat natatanggap ay nagpapasalamat
at hindi nakakalimot sa Nagbibigay
Sa mata ng aba at dukha, natagpuan kita…sa wakas.

No comments:
Post a Comment