Powered by Blogger.

Sunday, June 24, 2018

Oda kay Juan Bautista


Ni Hidalgo Del Arrabal

Maligayang bati, Juan Bautista!
Pagsilang mo hatid ay pag-asa
Sa mundong balot sa kadiliman
At nasa banig ng karamdaman.

Kina Elisabet at Zacarias
Biyaya ka ng Diyos na mataas;
Sa mga mata ng iyong kapwa
Kasama mo ang Hari ng Awa.

Panawagan mo, magbalik-loob
Bayang sa kasalana'y nasubsob;
Daan ng puso gawing matuwid
Upang kaligtasa'y maihatid.

Tunay ngang maraming nag-akala
Ika'y Poong magbibigay-ginhawa;
Tumanggi ka't 'tinuro sa tanan
Jesu-Kristong kabanalbanalan.

Ligaya ng 'yong kapanganakan
Hanggang ngayon ay nararamdaman
Ng bayang sa Diyos ay naghahangad
At sabik na Kanyang mapatawad.

Tinig mo ay naririnig pa rin
Ng madlang may magandang hangarin;
Nakikibaka sa kasamaan,
Sa pangalan ng katotohanan.

Purihin ka, O San Juan Bautista:
Pinsan ni Kristong Anak ng Ama,
Propeta ng Pangakong Mesiyas,
Isang saksing tapat hanggang wakas!

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP