Powered by Blogger.

Friday, November 11, 2005

"Tsinelas"

By JB (CYO)

Nalungkot ako habang nakikitang papalayo ang bus na sinasakyan nila. Gustuhin ko mang sumabay sa kanila pero hindi talaga maari. Enrolment kasi namin at kailangang unahin ko yun. Kitang kita ko ang saya at excitement sa kanilang mga mukha. Sinabi ko na lang sa aking sarili, “Di bale, bukas kasama niyo na ako”.

Kasama ko ang mga magulang ko at si Ate Abie na pumunta ng Tagaytay kinabukasan. Nadatnan namin silang kumakain ng pananghalian. Sobrang nahiya ako nang makita sila dahil nga huli na ako. Nasabihan pa kaming masyado raw kaming maaga. Naglakad-lakad na lang muna ako habang kumakain ang iba pang Youth. Hanggang sa mapigtas ang tsinelas ko. Sa malas ay yun lang ang nag iisang dala kong tsinelas. Bumalik ako sa dining room upang humanap ng maaring gawing paraan sa tsinelas ko. Nadatnan kong nakikikain na ng pananghalian ang mga magulang ko kasabay ang mga facilitators.

Umakyat na ako sa kwartong laan para sa akin at doon nakilala ko ang mga “room mates” ko . Sa umpisa natural lamang na magkahiyaan kami hangang sa nakita ko na lamang ang sarili kong natutuwang makipagkwentuhan sa kanila. Nagkwento sila kung paano sila napagalitan nung nakaraang gabi dahil sa kaingayan nila. Masisisi mo ba sila kung sa kanilang takot ay makagawa na nga sila ng ingay, dahil may naririnig daw silang iyak ng isang babae.

Sa aming pagkukwentuhan nakarinig kami ng sigawan sa labas, may dalawang sirena daw na inihagis sa swimming pool. Yun pala ay si Alwina at Patrick lang yun. Kinagabihan ng Sabado, binigyan kami ng pagkakataong isa-isang magdasal sa Kanya. At dahil nga isa-isa, natural lang na magtagal iyon. Hangang sa mamitig ang mga paa ko, hangang sa panandalian akong maidlip. Nang magising ako nakita ko na may iilan rin palang kagaya ko. Pasimpleng sumunod sa tawag ng “antok”.

Linggo ng umaga. Bumaba ako ng maaga dahil sa tawag ng kalikasan. Madilim-dilim pa non kaya’t bigla akong kinabahan ng marinig ang agos ng tubig sa gripo. Naalala ko yung mga kwento nila. Nilakasan ko na lamang ang aking loob at sinabi sa sarili na maaring may taong gising na rin na gaya ko. At nang ako ay makarating sa ibaba nabungaran ko si Paolo, naghihilamos na. Sabay kaming nagtimpla at uminom ng kape habang hinihintay ang pagsikat ng araw at ang paggising ng iba pa naming kasamahan.

Napigtas na naman ang tsinelas ko at hindi pa nasiyahan yung kabilang strap nman. Salamat talaga sa kakaibang talento ni Kuya Noel at nagawan niya ng paraan at talian yung tsinelas ko. Dumating si Kuya Michael at nagbigay ng “activity” sa amin. Isang simpleng gawain na nagpatulo ng aming mga luha at maging ng aming mga sipon. Isang simpleng gawain na nagpabago sa aming mga damit at sa “shawl” ng mga facilitators, nagmistulang pamunas at singahan ang mga ito. Isang simpleng gawaing nagpahayag sa mga tagong damdamin namin sa isa’t isa.

Sa pagtatapos ng aming Retreat, kanya kanya nang talon at lublob sa swimming pool, salamat na lamang at naawitan nila si Ate Joie at na payagan silang maglunoy sa pool. Kanya kanya na rin sandok ng pagkain at syempre tulong tulong na sa pagligpit at pag-ayos ng mga gamit. (“,)

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP