Powered by Blogger.

Wednesday, December 02, 2009

Yasia Fiesta!

By Grace Madrinan

ANLUWAGE.COM


Pwede pala yun, masakit ang katawan mo, ngalay ang paa mo at nagkandaubo-ubo ka na pero masaya ka pa rin...at kung may pagkakataon, gugustuhin mo itong ulit-ulitin


Ganito ang naramdaman ko sa nakaraang pagbubukas ng ika-5 Asian Youth Day nung ika-23ng Nobyembre, taong kasalukuyan, na ginanap sa liwasan ng Katedral ng Imus. Ang aming choir ng Immaculada Concepcion ng Dasmarinas, kasama ng iba pang choir sa Cavite (Himig Agustino ng Tanza at UHAY ng Molino) ay mapalad na naging bahagi ng pagtitipon bilang Asian Youth Day choir.

Di naging madali ang aming trabaho. Ilang linggo ding pag-eensayo ang aming binuno para lamang aralin ang ilang awiting pang-Misa. Karamihan pa ng mga awit ay nasa Latin, na bukod sa mahirap nang kantahin ay mahirap pang bigkasin. Lahat ng ito ay para masiguradong sagrado ang Misa at pagdiriwang ng okasyon.

ANLUWAGE.COM

At naging sulit naman ang lahat. Pagbungad ko pa lamang sa liwasan at masilayan ang entablado at lugar kung saan magaganap ang lahat, naramdaman ko na isa ito sa mga araw na di ko malilimutan.

ANLUWAGE.COM

Mga bandang ika-apat na ng hapon nang nagsimula nang magtipun-tipon ang mga kasama sa programa, panauhin at mga pari. Bakas din sa kanila na ang kasiyahan sa pag-aabang sa pagdating ng mga delegado na nagkakarakol nang mga oras na iyon mula sa isang kalapit na paaralan.

ANLUWAGE.COM

Maya-maya lamang ay nagsidatingan ang mga delegado mula sa iba't-ibang probinsya sa Pilipinas pati na rin sa kalapit na bansa sa Asya: China, Hong Kong, Japan, Korea, Macau, Taiwan, Cambodia, Laos, Myanmar, Thailand, Vietnam, Brunei, Indonesia, Malaysia, Singapore, Timor Leste, Bangladesh, India, Nepal, Pakistan, Sri Lanka, Kazakhstan, Kyrjyzstan, Mongolia, Siberia, Tajikistan, Turkmenistan, at iba pang delegasyon mula sa ibang kontinente (Australia, Germany, France, the Netherlands). Nakakatuwang pagmasdan ang mga kabataang, iba't-iba man ang lahi na pinagmulan, ay nagkakatipon para sa iisang misyon: ang isabuhay ang at maging alagad ng Salita ng Diyos.

ANLUWAGE.COM

At ilang saglit lamang ay nagsimula na ang Banal na Misa. Nalula ako sa dami ng mga pari at obispo na dumalo. Ang Lubhang Kagalang-galang Cardinal Gaudencio Rosales ang unang bumati at mainit na sumalubong sa mga delegado. Sinabi niya na malapit sa puso at lubos na kinagigiliwan ng Diyos ang mga kabataan -- na karamihan ng mga aral at milagro ni Jesus ay para sa kanila.

ANLUWAGE.COM

Naging mataimtim at sagrado ang Misa gaya ng inaasahan. Lalo akong naantig nung nagsimula ng homilya si Bishop Luis Antonio Tagle. Sinimulan nya ito sa pamamagitan ng pagsasabing lubhang malaking biyaya ang natanggap ng Pilipinas at ng Cavite dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay itinanghal na CNN Hero of the Year ang isang kabataan at isa ring Caviteno na si Efren Penaflorida. Ito ay isang napakagandang balita at akmang pambungad sa aming pagdiriwang ng 5th Asian Youth Day.

Sinabi rin ni Bishop Tagle na ang pagbasa at Mabuting Balita nang araw na iyon ay tila akma sa tema ng 5th Asian Youth Day na "Young Asians, come together. Share the Word, live the Eucharist". Ang unang pagbasa na hango sa Aklat ni Propeta Daniel ay tungkol sa apat na kabataang lalaki na naging tapat sa kanilang pananampalataya at napili ng Hari ng Judah bilang tagapayo dahil sa kanilang angking katalinuhan sa anumang larangan. Habang ang Mabuting Balita naman mula kay Lukas, ay tumutukoy sa paghahambing ni Jesus sa mga mayayaman at balo na nagkakaloob ng donasyon sa templo - na bagama't malaki ang binibigay ng mayaman, ay maituturing na higit ang pinagkakaloob ng balo sapagkat binigay nya ang lahat, mula sa kanyang kaunting ikinabubuhay.

ANLUWAGE.COM

Mula sa mga pagbasang ito, hinikayat ni Bishop Tagle ang mga kabataan na maging aktibo sa Simbahan at gamitin ang kakayahan para mapalaganap ang Salita ng Diyos. Binalaan nya rin ang mga pari na huwag maging katulad ng mga Pariseo na nananamantala ng mga balo, na sa halip na tulungan ay inuubos ang ikinabubuhay nito. Sinabi niya na marami ang mga kabataang nagmamasid sa kanila at naghahanap ng magandang halimbawa.

ANLUWAGE.COM

Sa pagtatapos ng kanyang homilya, binigyang diin niya na di na iba si Jesus sa mga Asyano, sapagkat Siya mismo ay isang Asyano. Ipinanganak si Jesus, namuhay, nagturo, gumawa ng milagro sa lupa ng Asya. Kung iisipin, pati si Maria, Jose, Abraham, Moises at halos lahat ng prominenteng tauhan sa Bibliya ay mga Asyano. Kung gayon, nararapat lamang nating ipagdangal nang buong puso ang ating pagiging Asyano. Muntik na akong maluha nang mga sandaling ito sapagkat noong una’y di ko napagtanto na si Jesus ay kapatid ko rin bilang Asyano.

ANLUWAGE.COM

Nagpatuloy ang Misa sa Panalangin ng Bayan na binasa ng piling delegado mula sa iba't ibang bansa, gamit ang kanilang sariling wika.

ANLUWAGE.COM

Ang Paghahandog din ay ginawa ng ng piling delegado mula sa iba't ibang bansa dala ang kanilang alay. Magandang pagmasdan sila habang suot nila ang kanilang katutubong kasuotan. Habang nagaganap ang pag-aalay, ito ay sinasaliwan ng tugtog gamit ang flute, violin at piano.

ANLUWAGE.COM

Sa pagtatapos ng Misa, opisyal na binuksan ng Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, Archbishop Angel Lagdameo ang 5th Asian Youth Day. Ilang saglit pagkatapos nito ay muling inawit at isinayaw nang sabay-sabay ang theme song na Yasia Fiesta. Sadyang nakakatuwang pagmasdan ang masayang pakikilahok ng lahat mula pari, madre at mga kabataan -- talagang piyesta!

ANLUWAGE.COM

Ang Misa ay sinundan ng isang makulay na programa na nagtanghal ng iba't ibang katutubong sayaw at awitin mula sa iba't-ibang rehiyon ng Pilipinas. Di ko man napanood ang kabuuan ng programa, damang-dama ko habang papalayo ang kakaibang kasiyahang maging bahagi ng isang ganitong pagdiriwang. Napatunayan ko na tunay na may pag-asa pa sa ating kabataan, kailangan lamang tuklasin ang sariling galing, maging magaling na pinuno at humanap ng magandang huwaran. Dahil dito, lalong tumibay ang aking pagnanais na mas makapaglingkod pa sa ating Simbahan at sa kapwa kahit sa ano mang mumunting paraan. Yasia Fiesta!

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP