Ang Kredo at Ako
Ni Hidalgo Del Arrabal
Ako: Mayroong Diyos at Siya'y isang Ama na pinagmumulan ng buhay ng lahat. Gaya Niya, nagbibigay-buhay din ba ako sa kapwa ko nilika - tao, hayop, halaman, atbp?
Kredo: Sumasampalataya din naman ako kay Jesu-Kristong iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat...
Ako: Nagmula si Jesus sa Ama at, gaya ng Ama si Jesus ay Diyos. Kinikilala, sinasamba't pinaglilingkuran ko ba si Jesus bilang aking Panginoon?
Kredo: Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Sta Mariang Birhen...
Ako: Bukod sa Diyos, isa ring tao si Jesus gaya ko. Wala Siyang Ama kundi ang Diyos. Ang Kanyang inang si Maria'y ipinaglihing walang sala kaya di naging alipin ng kasalanan si Kristo. Sinisikap ko bang maging banal gaya ni Jesus araw-araw?
Kredo: Ipinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing...
Ako: Kagaya ng lahat ng tao, dumanas din ng kamatayan si Jesus. Kagaya ng ilan sa atin, ipinapatay Siya ng mga masasamang tao. Ang kamatayan Niya'y bahagi ng kasaysayan ng mundo. Isang kamatayang buwis sa aking sariling kamatayan. Paano ko pinahahalagahan ang buhay ko't ng aking kapwa?
Kredo: Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao, nang may ikatlong araw nabuhay na mag-uli...
Ako: Sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo, tinupad Niya ang Kanyang pangako. Sa Kanyang tagumpay, nawalan na ng bisa ang kasalana't kamatayan sa sangkatauhan. Tumalab na ba sa akin ang bagong buhay dulot ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli?
Kredo: Umakyat sa langit, naluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat...
Ako: Katawa't kaluluwang bumalik sa langit si Jesus upang tanggapin ang kaluwalhatiang gantimpala sa Kanya ng Ama. Sa Kanyang pag-akyat, mayroon akong pag-asang makapunta rin doon. Anong mga hakbang ang aking ginagawa patungong langit?
Kredo: Doon magmumula't paririto at huhukom sa mga nabubuhay at nangamatay na mga tao...
Ako: Sa wakas ng panahon, babalik Siya sa mundo para bigyan ng pangkalahatang paghatol ang lahat ng tao, para ihiwalay ang mga mabubuti sa mga masasama. Pinaghahandaan ko ba ang aking kamataya't pagharap kay Kristong aking Hukom?
Kredo: Sumasampalataya ako sa Diyos Espiritu Santo...
Ako: Bukod sa Ama't Anak, ang Diyos din ay Espiritung nagpapabanal, nagbibigay-payo, nagpapagaling, at nagpapalakas sa atin. Sumasaakin Siya kaya nga't itinuturing na dambana Niya ang aking katawan. Gising ba ako sa Kanyang presensya't inspirasyon?
Kredo: Sa banal na Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga banal...
Ako: Itinatag ni Kristo ang Simbahan upang ipagpatuloy ang Kanyang misyon, upang ipahayag ang Kanyang Mabuting Balita. Higit pa sa isang institusyon, ito'y isang komunidad ng mga mananampalataya sa lupa na mayroong natatanging ugnayan sa mga mananampalatayang nasa langit at nasa purgatoryo. Nakikiisa ba ako sa buhay at paglago ng Simbahan?
Kredo: Sa kapatawaran ng mga kasalanan...
Ako: Naparito si Jesus para iligtas ang mga tao sa kasalanan.Ipinagpapatuloy ng Simbahan ang misyong ito sa pamamagitan ng mga Sakramento ng Binyag at Kumpisal. Sa pagtanggap ng kapatawaran mula sa Diyos, mapagpatawad din ba ako sa mga nagkasala sa akin?
Kredo: Sa pagkabuhay na mag-uli ng mga tao...
Ako: Sa muling pagbabalik ni Jesus sa mundo, muling magsasama ang aking kaluluwa't katawan para tanggapin ang Kanyang huling paghatol at gantimpala. Paano ko hinaharap ang kamatayang nangyayari sa aking pamilya't lipunan?
Kredo: At sa buhay na walang hanggan.
Ako: Kapag ako'y namatay, huhusgahan ako ni Kristo sang-ayon sa aking ginawa sa mundo. Posibleng mapunta ako sa langit, sa impiyerno, o sa purgatoryo. Sa Diyos ako nagmula. Gusto ko rin bang bumalik sa Kanya?
(Kredo = galing sa salitang Latin na ang ibig sabihi'y "Sumasampalataya ako")

No comments:
Post a Comment