Sino ba ang di nangarap na tanggapin?
Ang tanggapin nang buo at walang alinlangan,
Ang magpahayag ng kasalanan,
at di mahusgahan sa nakaraan?
Lahat ng takot at pangamba ay mapapawi
Buhay ay liliwanag,
Sasayaw ang puso, magagalak,
Sapagkat sa wakas ay natagpuan na...
Ang kalayaan ng isip at pag-asa.
Sino ba ang di nangarap na mahalin?
Ang mahalin kapalit ay buhay at pagkatao?
Dalisay at wagas kung ituring ay parang isang ginto...
Sino ba ang di nangarap na mahalin nang buo?
Lahat ng luha mapapawi,
Lahat ng lungkot mapapalitan ng saya,
Sasayaw ang puso, magagalak ...
Sapagkat sa wakas natagpuan na
Ang higit pa sa kayamanan ng buhay.
Sino ba ang di nangarap magmahal?
Kapag natagpuan mo na ito, sino ang magnanais na ito ay magwakas?
Bakit pa nanaiising lumayo sa piling Nya?
Kung tunay na pag-ibig na ang natagpuan sa Kanya?
Lahat ng ito ay maglalaho,
Hungkag at panandalian…
Ngunit ang sa Ama at ni Hesus
Walang maliw, wagas….
Walang hangganan!
(by Grace Madrinan)

No comments:
Post a Comment