Powered by Blogger.
Showing posts with label Pag-ibig. Show all posts
Showing posts with label Pag-ibig. Show all posts

Saturday, September 17, 2011

Haring Araw


Nakita ko ang haring araw...
Lumiwanag ang kapaligiran,
Ginising ang nahihimbing na kapatagan
Binigyang kulay ang kalangitan.

Tinanaw ko ang haring araw
Tila humalik sa bundukin
Binigyang tingkad ang mga punong
Tila sabik sa kanyang tingin!

Pinukaw nya ang natutulog kong puso
Na labis na nalulumbay.
Pilit nililimot ang kahapong
Kasawian ay taglay...

Mag-isa man sa gabi ng pighati,
Tiyak na aaliwin sa pagsilip ng umaga
Sasalubungin ng Amang nakangiti,
Pupunan ang hungkag ng Kanyang kalinga.


Pinaalala nya sa akin ang kulay ng pag-asa
Tulad ng araw na sumisikat sa tuwina,
Ang pag-ibig ng Diyos, tiyak at dakila
Kukupkopin ang pusong nangungulila.


by Grace B. MadriƱan






Sunday, April 24, 2011

Sino ba?


Sino ba ang di nangarap na tanggapin?
Ang tanggapin nang buo at walang alinlangan,
Ang magpahayag ng kasalanan,
at di mahusgahan sa nakaraan?
Lahat ng takot at pangamba ay mapapawi
Buhay ay liliwanag,
Sasayaw ang puso, magagalak,
Sapagkat sa wakas ay natagpuan na...
Ang kalayaan ng isip at pag-asa.

Sino ba ang di nangarap na mahalin?
Ang mahalin kapalit ay buhay at pagkatao?
Dalisay at wagas kung ituring ay parang isang ginto...
Sino ba ang di nangarap na mahalin nang buo?
Lahat ng luha mapapawi,
Lahat ng lungkot mapapalitan ng saya,
Sasayaw ang puso, magagalak ...
Sapagkat sa wakas natagpuan na
Ang higit pa sa kayamanan ng buhay.

Sino ba ang di nangarap magmahal?
Kapag natagpuan mo na ito, sino ang magnanais na ito ay magwakas?
Bakit pa nanaiising lumayo sa piling Nya?
Kung tunay na pag-ibig na ang natagpuan sa Kanya?
Lahat ng ito ay maglalaho,
Hungkag at panandalian…
Ngunit ang sa Ama at ni Hesus
Walang maliw, wagas….
Walang hangganan!

(by Grace Madrinan)

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP